GMA News TV's 'Reel Time' launches election documentary series

By Media Newser Philippines | Friday, March 18, 2016

Sa bawat pagpapalit ng liderato ng mga pinuno, naririnig nila parati na kapakanan ng mga bata ang laman ng kanilang agenda sa pagtakbo. Pero parati raw silang bigo. Ang matagal na ngang ipinangakong tulay sa kanilang lugar, hanggang ngayon 'pangakong napako' at tila inilista na sa tubig ng mga nagdaan at kasalukuyang nakaupo sa puwesto. Hindi man lang daw sila naambunan ng biyaya, gayong malaking pondo ng gobyerno ang napupunta sa pagpapagawa ng mga daan at tulay sa maraming lugar sa ating bansa.

Ngayong Linggo ng gabi, ikukuwento ni Jer John at ng iba pang mag-aaral ang pagtulay nila sa sangandaan ng mga problemang ilang taon na nilang hinahanapan ng solusyon. May makakita na kaya sa kanilang kondisyon? May makarinig na kaya sa kanilang mga hinaing?

Full press release after the jump...

PRESS RELEASE FROM GMA NEWS TV:
Nababalot pa ng dilim ang buong Barangay Mambajog, sa bayan ng Matnog, lalawigan ng Sorsogon, pero gising na at naghahanda sa kaniyang pagpasok sa eskuwela ang labindalawang taong gulang na si Jer John. Gising na rin ang kaniyang ina na naghahanda ng kaniyang babauning pagkain sa buong maghapon. Magsisilbi na niyang agahan at tanghalian ang dalang kanin at noodles, kaya naman parati raw umuuwing pagod at gutom ang bata pagkagaling sa klase, ayon sa kaniyang ina.

Pero ang mas mahirap sa pagpasok sa eskuwela para sa mga batang tulad ni Jer John, ang paglusong sa malamig at minsa'y masungit na dagat tuwing umaga. Araw-araw niya itong ginagawa kasama ng ilang kaeskuwela, dahil wala silang bangka hindi tulad ng ibang mas nakaririwasang pamilya. Lampas sa kaniyang ulo ang tubig-dagat lalo na kung maalon at high tide. Hindi ito iniinda ni Jer John at ng iba pang mag-aaral ng Sua National High School.

Iyon nga lang, hindi pa tapos ang kalbaryo nila sa pagpasok sa eskuwela. Dahil pagkatapos lumusong sa dagat, umaakyat sila sa matarik na bundok para makatawid sa kabilang lugar. Pagdating sa kanilang klase, mababanaag ang pagod at antok ng mga estudyante. Ang resulta, mababa ang resulta ng kanilang mga pagsusulit at ang ibang bata naman humihinto na lang sa pag-aaral.

Mistulang sinasalamin ng malubak nilang daan patungo sa paaralan ang hirap ng mga mag-aaral para lamang makamit ang inaasam na diploma. Dinagdagan pa ito ng malalim na ugat ng problema sa mga kulang na gamit sa pagkatuto ng mga bata.

Sa bawat pagpapalit ng liderato ng mga pinuno, naririnig nila parati na kapakanan ng mga bata ang laman ng kanilang agenda sa pagtakbo. Pero parati raw silang bigo. Ang matagal na ngang ipinangakong tulay sa kanilang lugar, hanggang ngayon 'pangakong napako' at tila inilista na sa tubig ng mga nagdaan at kasalukuyang nakaupo sa puwesto. Hindi man lang daw sila naambunan ng biyaya, gayong malaking pondo ng gobyerno ang napupunta sa pagpapagawa ng mga daan at tulay sa maraming lugar sa ating bansa.

Ngayong Linggo ng gabi, ikukuwento ni Jer John at ng iba pang mag-aaral ang pagtulay nila sa sangandaan ng mga problemang ilang taon na nilang hinahanapan ng solusyon. May makakita na kaya sa kanilang kondisyon? May makarinig na kaya sa kanilang mga hinaing? Maging tulay na kaya ng pagbabago ang nalalapit na eleksyon?

Inihahandog ng Reel Time ang dokumentaryong "Isinulat sa Tubig," mapapanood sa Marso 20, alas-9 ng gabi sa GMA NewsTV Channel 11, pagkatapos ng Kings of Restoration.

No comments:

Post a Comment